Hindi ko alam at maintindihan kung bakit lagi na lang ako ang naghihintay. Marahil isang dahilan na ay ayaw ko na ako ang nahuhuli.
Ayaw ko na pinaghihintay ang iba. Siguro masyado akong mabait o mahiyain, na hindi ko matiis na paghintayin ang iba. Pero minsan, nakakapagod
na din ang palaging maghintay. Minsan, o halos kadalasan na din, naghihintay lang ako sa wala. Pero nasanay na akong umasa at laging mabigo. Nakakainis. Nakakaasar. Hanggang kailan ba ako maghihintay? Hanggang kailan ako aasa? At kailan darating ang panahong ako naman ang hihintayin?
Siguro napakasaya noon; na makatagpo ako ng sinumang maghihintay din sa akin. Kahit sino na makakaintindi at aalis sa aking pagkabigo.
Isang taong hindi ko paghihintayin ng matagal. Isang taong alam kong kagaya ko ring umaasa at naghintay ng matagal. Isang taong hindi maghihinayang at hindi ko paghihinayangan.
Mahirap maghintay; malungkot. Lalo na kung wala kang kasamang naghihintay. Nakakawala ng pag-asa. Hanggang sa tumigil na ang iyong diwa sa pagpapahalaga. Hanggang sa ang paghihintay mo ay mawalan na lang ng kabuluhan para sa iyo. Hanggang sa hindi mo na mamalayang kay tagal mo na palang naghihintay. Hanggang sa umalis ka na sa iyong pagkakatayo at maglakad, hanggang maisip mong hindi mo na kailangang maghintay. Hanggang sa mapagod ka na at sumuko.
Masaya sanang maghintay nang may kasama ka, may kausap, may karamay. Pero bakit pa ako maghihintay kung wala namang kasiguruhan? O marahil ito talaga ang tunay na kahulugan ng paghihintay, ang paghihintay na may pag-asa. Kahit na walang katiyakan, kahit na walang maasahan, maghihintay at maghihintay ka pa rin. Kahit na parang walang kabuluhan, hindi ka mapapagod, hindi mangangamba na baka wala nang dumating. Mayroon man o wala, tuloy ka pa rin sa paghihintay.